Sunday, January 5, 2014

Kakaibang Bakasyon sa Baguio

       "Itapon mo ang unang tabo ng tubig," yan ang sabi sakin ni Jerry Galuba at ni Sam Corpuz, mga taga-Baguio, (bagamat si Jerry ay taga-La Trinidad, eh, sa mga taga-ibaba, Baguio na rin yun.)
       Pag naligo ka sa Baguio ng malamig na tubig galing sa gripo (ang totoo eh galing sa timba) ang unang tabo ay isang napakahapding sampal ng nagyeyelong tubig sa balat.  Ang pangalawang tabo... mainit na, o di na kasing lamig ng una.  Kayat ang payo ng mga pantas - kung ang pangalawang tabo ay mainit na, eh di: Itapon mo ang unang tabo ng tubig!

       Iba na ang may matalik na kaibigan na taga-Baguio.  Iba na ang may matalik na kaibigan na may bahay sa Baguio na pwede mong tirahan pag aakyat ka.  Ang laking ginhawa na inalok ni Atorni Amor Perdigon, a.k.a. Kuya Amor, ang ngayo'y bakante nang tahanan ng pamilya Pedigon sa La Trinidad, Benguet, para tuluyan namin ng buong pamilya ko sa bakasyon namin nato.

       Ang ganda ng loob ng bahay, gawa sa pine wood - pine wood ang dingding, pine wood ang mga cabinet, pine wood ang mga lamesa, pine wood ang mga kama, pati baul pine wood din.  Kaya nang may nagtanong, "How was your stay in Baguio?" ang naisagot ko, "It's pine!" 

"It's pine!"

       Eh, isa sa mga hinahanap ko sa bahay ay kumpletong kusina.  Ahh, panalo dito.  Di ka kukulangin sa gamit: hasa ang kutsilyo, malakas ang apoy ng gas stove, may malalaking kaldero at kawali - eh, pati gas oven gumgana!

(Literally) Behind a successful chef, is a woman with excellent taste.

       Kaya ang sarap ng niluto kong chop suey, chinese asado, at pati sana yong crispy pata, kaso minadali ko dahil baka hindi humabol sa Media Noche - eh pinaka-aabangan pa naman ng mga bisita namin (pamilya ni Rolly, kapatid ko)... at ng mga anak kong di nagsasawa sa crispy pata ng papa nila.

       Napakasarap talaga ng klima sa Baguio.  Sa isang kanta ngang sinulat ko na pinamagatan kong "Naiwanan ko ang Puso ko sa Baguio" ganito ang unang linya nya:

       "Aakyat ako ng Baguio,
        Magpapa-presko ng katawan;
        Inaasam-asam ang malamig na panahon -
        Kasing lutong ng chicharon!"
     
       Nanunuot ang lamig sa akyat namin nato, medyo nasobrahan at gininaw kami.  Di nga ako makalabas ng naka-korto dahil nilalamig ang mga binti ko.  Minsan lang ako lumabas ng naka-korto, Lunes ng umaga - ang lamig!

       Lunes ng umaga, nagpunta ako sa Baguio.  Di ba nasa La Trinidad kami.  Medyo nakakapanibago kasi pagsakay mo ng jeep sa La Trinidad at papunta ka sa city, o sa Baguio, ang sasabihin mo sa driver pag nagbayad ka eh "Baguio".  Wala, nakakapanibago lang kasi iniisip mo, nasa Baguio ka, pero ang totoo, wala ka sa Baguio, nasa La Trinidad ka.  Nagpunta ako sa Baguio para maghanap ng mga imported na pantalon.
       Mura sa Hilltop, sa wagwagan doon (wagwagan ang tawag sa ukay-ukay sa Baguio).  Dun nga sa kantang sinulat ko, ang pangalawang linya nun eh ganito:

       "Papasyal ako sa wagwagan,
        Maghahanap ng mabibili;
        O, nakakita ako ng imported na pantalon -
        Mas mura pa kaysa hopiang hapon!"

       May "Night Market" sa Baguio ngayon.  May "Night Market" na rin naman noong huling akyat namin mga 3 to 4 years ago, pero nasa gilid lang ng Harrison Road.  Eto ngayon buong Harrison mula sa Maharlika overpass hanggang halos sa kabilang dulo ng Burnham Park, nakalatag ang sari-saring mga paninda sa buong kahabaan ng karsada sa harap ng Burnham.  Wala nang sasakyan na pinadadaan mula alas nwebe ng gabi hanggang ala una ng madaling araw - sa kabila lang meron - dahil umaapaw ng paninda at libo-libong mga mamimili ang Harrison Road "Night Market".

"Night Market" mula sa itaas ng Maharlika overpass, nasa kanan ang Burnham Park.

       Eh, wala naman akong sadya sa "Night Market".  Yong mga kasama ko, ahh, meron.  Maraming nabiling cardigan si Jane, na magagamit nya sa opisina.  Mura lang, P50- lang, at may P100- pataas.  

Si Jane, suot ang mga cardigan na binili

Ako tiga-bantay ng mga gamit, mga bag na may laman na mga pinamili, sa gilid sa labas ng Burnham, may sementadong upuan sa may puno.

Sementadong upuan sa may puno sa gilid ng Burnham

       Wala, tunganga lang ako habang nagbabantay ng mga gamit at nagmamasid sa dami-daming mga taong paroo't-parito sa harap ko sa bangketa at malayo-layo sa karsada, kung saan andun 'yong mga mala-divisoria na paninda - biglang may tumambad sa harapan ko: naglalako ng Ray-Ban!
       "Kuya, bili ka na, kakalabas ko lang, bwena mano ka," sabi nya.
       "Yan, magkano yan?" tinuro ko yong katulad ng suot ni Heisenberg.
       "Bigay ko na lang sayo ng one hundred," sabi nya, "one pipti talaga yan kuya, pero kakalabas ko lang, wala pa kong benta.  Bigay ko na lang one hundred sayo."
       Dumukot ako ng P100- sa bulsa ko, binigay ko sa kanya, at sinuot ko yong shades - sa gitna ng gabi! 

Si Rolly Queri at ako, mga miyembro ng Benguet Mapia

       May kaibigan kami sa Baguio na dati rin naming tinutulyan, mga 8 or so years ago.  Matalik na kaibigan din ito, si Rolly Queri.  Tinext ko sya na nasa "Night Market" kami ng pamilya ko.  Maya-maya lang eh andun na sya.
       "Di ka nag-reply sa text ko," sabi ko, "hintay ako ng hintay. Pero buti andito ka na."
       "Anong text???" tanong nya, "Wala naman akong natanggap na text mo."
       "Eh, ba't nandito ka???"
       "Wala, sinamahan ko lang si Presch, nagpasama eh!"
       Maliit ang Baguio.
  
       Nagpunta ako sa Baguio Lunes ng umaga para maghanap ng imported na pantalon.  Wala.  Wala akong nakitang imported na pantalon.  Wala akong nakitang imported na pantalon na nagustuhan ko.  Marami akong nakitang imported na pantalon, eh, pangit - ayoko.
       Ang nakita ko, pagbaba ko ng jeep (eh sa Rizal Park ang babaan) hele-helera ng mga kadete ng PMA na naka-formation.  Aba!  Oo nga pala, Rizal Day nga pala (Dec.30) ngayon.  Pupunta ata si P-Noy (nasa Baguio sya ngayon).  Eh, pupunta dapat si P-Noy, pero hindi sya natuloy - di pa siguro tapos mag-PSP.


Formation ng mga kadete ng PMA sa harap ng monumento ni Rizal

       Maligalig akong tao, maraming langgam sa pantalon ko, kaya galaw ako ng galaw, lipat ako ng lipat ng pwesto, asinta ng asinta ng camera, humahanap kasi ako ng magandang anggulo para makunan si P-Noy (eh minsan-minsan mo lang machambahang makunan ang Presidente) - eh ang layo ng mga tao sa pangyayarihan ng pag-alay ng bulaklak sa monumento ni Rizal, di pwedeng lumapit kasi di naman tayo official photographer.


Nakahanap ng magandang anggulo para kunan si P-Noy

       Eh, si "Sir" pala, napapansin yong kakaibang kinikilos ko - lahat kasi ng mga tao nakatunganga lang habang naghihintay kay P-Noy o magsimula yong programa, ako lang ata yong maligalig doon.  Eh, maya-maya nilapitan ako ni "Sir" (eh si "Sir", ahh, mataas na opisyal, yon bang pag nadadaanan ng mga pulis at sundalo, hihinto sila at sasaludo at sasabihin, "Sir!") may sinabi sya sakin sa mahinang boses sa kakaibang wika (ilokano) na di ko naintindihan.
       "Tagalog, Sir," sabi ko.
       "Ahh, pwede bang makita ang laman ng bag (backpack) mo," sabi ni "Sir", "bawal kasi mga ganyan, pwedeng paki buksan."
       "Sir, yes, Sir!" sabi ko, sabay attention sabay saludo (hindi... joke lang).  "Yes, Sir!" lang, sabay bukas ng bag at pinakita ko ang laman sa kanya.
       Akala ko mukha akong turista, yon pala mukhang... tirurista!


       Namasyal din kami ni Jane sa Camp John Hay, andito kasi mga naglalakihang Pine Tree.  (Gagagawa ako ng isa pang Blog tungkol dito, atbp.)  

Si Jane at ang Pine Tree

       Kakaiba talaga ang bakasyon namin nato.  Huli kaming nagbakasyon sa Baguio sa panahon ng Bagong Taon, dalawa pa lang anak namin at maliliit pa sila - mahigit labinlimang taon na nakalipas.  Doon kami
sa Camp 7, kina Jeanette De Guzman maybahay ni Val Agron, mga matalik na kaibigan din - naalala ko bigla, naaalala ko noon wala pang Kenny Rogers Roasters dito sa Pilipinas, nag lechong manok kami ni Val sa apoy ng pine wood sa loob ng isang hinating dram.
       Nasa loob lang kami ng bahay sa pagsalubong ng Bagong Taon - di naman kami nagpapaputok, di rin kami bumibili ng mga pailaw o pasiklab (fireworks) matagal na; at medyo nagsawa na rin kami sa pare-parehong nakikita namin sa kalangitan na mga fireworks - buong pamilya kami, at buong pamilya ng kapatid kong panganay, si Rolly.


Kumpletong pamilya ko at ni Rolly, si Ricky BoyKing umuwi na pala, si Lo at La nai-epal pa.

       Nananatiling bukas ang tahanan ng pamilya Perdigon sa La Trinidad, Benguet, sa amin ng pamilya ko.  Matalik na kaibigan ko si Atorni Amor Perdigon, a.k.a. Kuya Amor, at malapit sa akin (samin ni Jane) ang boung pamilya nya - ang maybahay nya, si Vivian, mga anak nya, mga kapatid nya, si Daddy Rudy, at si Mommy Estela na bagamat kinuha na sya ni Lord, ay ramdam pa rin namin ang presensya nya sa sariling tahanan nya!
 

No comments:

Post a Comment